Tuesday, May 17, 2011

At yun ay, ang KATOTOHANG MAHAL KO SIYA

"A relationship with NO TRUST is like a car with no gas. You can stay in it all you want but it won't go anywhere."

- At dahil senti mode ako ngayon, magsusulat ako ng purong Tagalog, kahit mahirap, ay aking kakayanin, minsan lang ako magsulat ng ganito, kaya blogspot, pagbigyan mo na ako. Pasensya na kung magiging medyo sabog ang kalalabasan nito, pero ipinapangako ko naman sa'yo, na may kabuluhan ang kung ano mang ibabahagi ko sa'yo ngayon. Ngunit patawarin mo sana ko, kung medyo magiging literal at medyo nakakaalarma ang mga maisusulat ko dito, sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para ipahayag ang aking sarili at nararamdaman sa pangkasalukuyan sa isang napaka kakaibang paraan, kasabay ng katotohanang ako'y nahihirapang magpahayag sa Tagalog, pipilitin ko parin para naman malaman mo na di biro ang aking pinagdaraanan, lubos na akong nahihirapan, sagad sagaran, at lubos lubusan na ang tindi, sugat at hapdi na dulot ng KALOKOHANG PAGMAMAHAL NA 'TO. Ewan ko nga ba, bakit pa ba kasi nauso yung salitang to e. Para namang di siya gaanong kahalaga sa pang araw-araw ng buhay ng tao. Patungkol sa romansang pagmamahalan, sa praktikal na buhay naman kasi, kaya nating mamuhay ng masagana at maligaya, kahit wala tayong kaagapay o kapareha sa buhay, nandyan naman ang pagmamahal ng ating mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan, na hindi kayang tumbasan ng kung ano pa mang materyal na bagay sa mundo.

Aaminin ko, wala pa kong tulog simula kagabi, kaiisip sa kung ano mang problema meron ako ngayon, tila baga isang napakabigat na krus na aking titiisin hanggang sa marating ko ang bundok na pagpapakuan sa akin. Ewan ko nga ba, parang pinaglalaruan na naman ako ng tadhana. Ginagago na yata ako. Sa tuwing iisipin ko kasi yung katotohanang nagmamahal na nga pala ako ng lubos, tunay at wagas, di ko parin matanggap ang buong katotohanang, marahil nga'y nakagawa na ako ng pagkakamali, at ayoko nang maulit pa itong muli. Sabi nga nila, kapag tunay kang nagmamahal, handa kang harapin lahat ng unos na darating sa buhay mo, kasama siya, kahit kailan, di mo siya iiwan, handa kang ipaglaban ang pagmamahal mo sa kanya kahit hanggang sa kamatayan. Handa kang isakripisyo lahat ng meron ka, at gawin lahat ng iyong makakaya maipakita at maiparamdam lang sa minamahal mo kung gaano nga talaga katotoo at kalalim ang sinasabi mong pag-ibig na walang hanggan para sakanya. Pero sa palagay mo, niloloko lang talaga ko ng tadhana e. Alam mo ba kung bakit? Kasi naman, kahit gaanong pagwawaksi ko ng aking nararamdaman, di parin ako maramdaman ng buo ng aking minamahal, hay, minsan na nga lang ako magmahal ng buo, tapos ganito pa mangyayari sakin, aba. Siguro nga, totoo ang karma. Ngayon, nakakaranas na ako ng sakit, na noo'y akala ko, di ko kailanman mararanasan, sapagkat nangako ako sa aking sarili na hindi ako magmamahal ng tunay. Ngunit, lahat ng yun ay nagbago, simula noong natuto akong magmahal ng tunay, simula noong tumibok ang puso ko para sakanya. At ipinangako ko sa aking sarili na siya na ang huli kong iibigin, siya na ang lalaking aking nais makasama sa panghabambuhay.

Pero bakit naman ganun? Patuloy parin naman akong nasasaktan, kahit sa di sinasadyang pagkakataon, parehas lang naman kaming nagkakasakitan. Hindi na nga yata maganda yung ganito, kasi sa kauna-unahang pagkakataon, pumasok ako sa isang relasyon, na sa una palang, di ako sigurado kung saan ang patutunguhan. Ngunit, di naman ako nagsisisi na minahal ko siya, kasi alam ko, at nararamdaman ko, at sinasabi ng aking puso. Siya lang ang tinitibok nito. Wala ng iba pa. Nasasaktan lang ako sa tuwing maaalala ko sa gabi, bago ako matulog na, mahal na mahal ko siya, palalim nang palalim yung nararamdaman ko para sakanya. Na kahit gaano pa nga yata kaseryoso yung problemang kinahaharap namin kagabi, siya parin ang sinisigaw ng aking damdamin, siya parin ang nais makapiling. Na, kahit na patuloy sinasabi ng aking isipan na hindi siya karapat dapat para sa akin, kinokontra parin siyang tuloy nang tunay na nag-uudyok nang aking tunay na nararamdaman. Wala akong magawa, kahit magpumiglas ako, kahit anong pagtataboy at pagpapasakit ang gawin ko sakanya, tila baga'y dobleng sakit ang aking nararamdaman sa tuwing gagawin ko yun sa kanya, sa tuwing makikita ko siyang lumuluha sa aking harapan, nadudurog yung puso ko, at bumibigay pati yung isip ko na.. Tanga ka ba talaga? Bakit mo sinasaktan yung taong pinakamamahal mo? Anong gusto mong mangyari? Hay. Hanggang sa napagtanto ko sa aking sarili na.. Hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko, na siya lang ang aking kailangan, kahit mawala pa man lahat ng materyal na bagay sa buhay ko, basta siya.. Manatili lang sa aking piling ay lubos nang ikagagalak ng aking puso.

Kaninang umaga, pagmulat nang aking mga mata, tinanong na naman ako ng aking Ina, kung ano na naman daw ang nangyari sa aming dalawa kagabi, sa katunayan, nabanggit pa nga niya na.. "Anak, umiyak ka na naman noh? Ganyan talaga, nung ka-edad mo rin ako, ganyan ako nung una akong nagmahal, pero kahit anong mangyari, kung alam mo sa sarili mo, at nakikita ko naman na mahal na mahal mo siya, wag kang bibitiw, panghawakan mo lang kung ano mang meron kayo ngayon. Siya palang yata yung unang lalaki sa buhay mo na naging ganyan ka kaapektado. Grabe, Anak, nagmamahal ka na nga talaga, pero hinay-hinay lang.. Baka bumigay ka bigla, mahirap na." Wow, at grabe. Nahibang nalang ako sa sinabi ni Mommy kaninang umaga, wala pa naman akong sinasabi sa kanya, pero para bang.. Alam na alam niya kung ano man yung nararamdaman ko. Magkaakibat nga pala talaga kami ng puso't damdamin. Nagulat pa nga ko nung tinanong niya ako, kung breyk na raw ba kami e. Nakakawindang ang Ina ko. Di ko talaga inaasahang magiging ganito siya sa pagpapaalala at paggagabay sa akin sa usaping pagmamahalan. Marahil nga'y nasa hustong edad na ako, at tanggap na nyang lubusan na di na ako bata, may kakayahan na akong magmahal, at mayroon na akong sariling isip para isaayos ang aking buhay. Kung baga'y nung bata pa ako, lagi lang akong nakaasa sa kanila, e ngayon, iba na ang lahat. Ginagabayan nalang nila ako, para maging isang mabuting tao, pumili ng isang magandang buhay, kasama ang taong nais kong makapiling sa hinaharap.

Akala siguro niya kagabi, naiba yung pag-iisip ni Mommy at ng mga kapatid ko para sa kanya, pero di naman nya alam na, masyado lang ang pag-aalala nila sa aming dalawa na di nila kayang makita akong nasasaktan dahil sa pagmamahal. Nang dahil sa kalokohang pag-ibig na kung sino mang ulol na siyantipiko na nakaimbento ng salitang ito. Haha. Patuloy lang ginugulo yung nararamdaman ko e. Ewan ko nga ba talaga, nauulol na ko kakaisip sa kanya. Puro siya nalang yung naiisip ko e. Di na ko mapakali, di na ko makatulog ng maayos, di narin ako makakilos ng normal sa tuwing naaalala ko siya. Nahihibang na nga ba ako, dulot ng pagmamahal na ito? Haha. Wag naman sana. Ngunit, alam ko naman sa sarili ko na, lahat ng ito'y panandalian lamang, lahat ng unos na aming pinagdaraana'y lilipas din. At sa dulo ng lahat, kami parin naman ang nararapat para sa isa't isa. Sabi nga nila, sa hinaba haba man daw ng prusisyon, sa simbahan lang din ang tuloy. Wala namang akong magagawa eh, mahal na mahal ko naman talaga siya e. Kahit ano pa mang pagpupumigil ang aking gawin. Siya lang talaga. Hay, dinaig pa ang droga, lagi ko nalang siyang hinahanap hanap. Hanggang sa pagtulog ko, siya parin yung nakikita ko. Nahihiyabang na ko. Nahihibang nako, hindi dahil sakanya, ngunit sa katotohang SAKANYA LANG IIKOT AT UMIIKOT ANG AKING MUNDO. Magbago man sa isang iglap lahat ng teknolohiya sa aking paligid, isa lang ang alam kong hindi magbabago. At yun ay, ang KATOTOHANG MAHAL KO SIYA.

- Masyado na kong gumagamit ng lenggwaheng di ko gamay. Ang hirap palang magpahayag sa ganitong paraan. Nakaka-challenge. Nakaka-twist ng utak at dila. Haha. ;p

No comments:

Post a Comment