Manhid...
Isang salita na parehong maganda at masama. Isang salita na madaling ibaybay pero mahirap gawin. Hindi makukuha sa unang subok, pero sa katagalan ito ay magagawa. Nakalakip dito ang mapait na mararanasan. Pagsisisi. Panghihinayang. Ito ay maganda sa paraan na ikaw ay umiiwas patalim. Naglalaro ng malinis na tila baga'y ayaw masaktan; ayaw sumabak sa dumi ng buhay na nararapat pagdaanan. At ito naman ay masama dahil pinapatagal mo lang ang dapat harapin. Habang umiikot ang mundo, ikaw na walang malay. Mulat ang mata pero walang ginagawa. Lahat na ay bumagsak samantalang ikaw, walang kibo, walang reaksyon.
Bulag...
Sumpa at ginhawa. Ang taong makakuha ay minsa'y sinisisi ang Maykapal kung bakit siya'y binagsakan ng langit at pinarusahan ng diyos. Sa kabilang panig, isa itong ginahawa dahil habang nawawalan ay natutuklasan nila ang mga bagay na kait ang mga mata ay hindi matanaw. Kahit na ang mga taong mayroong ganitong karamdaman, sila ay rumaraos, magsusumikap, ginagawa sa abot ng kanilang abilidad at sinusulit ang bawat segundo ng kanilang buhay ng may kahulugan.
Ikutin mo man ang bote ng Ginebra San Miguel, makikita't makikita mo ang isang imahe ng angel. Maging bulag ka man o manhid sa mga nagyayari, darating ang oras na nariyan pa din iyan. Habang sa pag-ibig, nakikita mo na nga at nararamdaman mo na mahal ka ng isang tao, nagbubulag-bulagan ka o nagpapakamanhid ka. At siya, hinihintay ka lamang sabihin na mahal mo siya, malaman lang niya na hindi siya naghihintay sa wala. Ultimong kulang na lang ay humigi siya kay San Pedro ng eyedrops at karayom para patakan ang iyong mga mata malinisan at malinaw, at tusukin ka sa braso para magising ang katawang lupa mo.
Hinaing niya'y makita mo siya, maramdaman at pansinin. Ngunit patuloy sa pagiging manhid at bulag sa naturang situwasyon. Wag niya sana sayangin ang pagkakataon. Isa ba namang tao na buo, totoo, at matamis na pagmamahal ang kaya niya ibigay.
Wag maging manhid at bulag sa pag-ibig na kay tamis. Hanggang ito'y hindi sumasagabal sa mga bagay na karapatdapat na mas pagtuunang pansin. Kasi minsan minsan lang dumarating ang tunay na pag-ibig na hindi kayang ilarawan sa material na bagay o ihambing. Ang tunay na pagmamahal ay walang kahulugan, mahirap magbigay ng isang unibersal na kahulugan na mapagsasama ang bawat ideolohiya ng bawat tao. Dahil iba't-iba ang ating karanasan at panuntuyan sa tunay na pag-ibig. =)
No comments:
Post a Comment