Wednesday, March 26, 2014

PAALAM.

Minsan hindi ko maintindihan. Hindi ko alam, at hanggang ngayon, patuloy ko paring hinahanapan ng kasagutan. Pero madalas, aking naririnig, sinasambit, at bigla nalang nararamdaman. Mahirap man sambitin ang salitang "paalam", minsan kailangan. Mahirap. Hindi ako sanay, at ayokong masanay. Pero, gaya ng iba pang bagay sa mundong ito, kailangang bumitiw. Kailangan na. Kailangan ko naring ihanda 'yung sarili ko, ayokong malungkot, ayokong mag-drama. Pero wala, nandito na e. Sumapit na. Dama ko na. Kahit anong pilit, kahit anong pagpupursigi, hindi na natin hawak ang panahon, ang oras. Panahon na, panahon na para magpaalam. 

Hindi man ako 'yung tipo ng tao na nagpapakita ng tunay kong nararamdaman. Ako naman 'yung taong ubod ng sentimental. Kung maari, sa lahat ng pagkakataon, gusto ko makukuhanan ko nang mumunting alaala. Sabihin na nating, sa pamamagitan ng mga larawan. Gamit ang mga ito, nakakakuha ako ng sapat sa mga pangyayari na gusto kong maalala at patuloy pang alalahanin. Pili lamang ang mga ito, alam ko hindi lahat pwede kong kunin, kaya naman, pinipili ko na 'yung humipo sa aking puso, sa aking pagkatao at sa aking kabuuan. Yung tipong, kahit kailan, maaari kong balik-balikan. 'Yung tipong, kailan ma'y hindi ko pagsisisihan. Oo, marahil, pamamaraan rin ito para abusuhin ang teknolohiya. Ngunit, kung ito lang ang paraan para makuha ko 'yung mga "alaala" kasama 'yung mga taong gusto kong isama sa baul ng aking mga alaala, handa akong bansagang "abusada."

Hindi lalagpas sa apat napu't walong oras. Kulang sa apat napu't walang oras na lamang ang nalalabi. Muli, hindi ko alam kung paano. Paano nga ba ako magpapaalam? Paano nga ba ako magkakaroon ng lakas ng loob para bigkasin ang mga salitang "paalam?" Alam ko, hindi dito nagtatapos ang karerang aking napiling tahakin. Pero, hindi ko parin maialis sa aking isipin, bukas na. 

Bukas na 'yung araw ng paghihiwalay. Hindi ko alintana na, baka 'yung iba sa kanila, hindi ko na muling makita pa. Pero, naniniwala parin ako sa bulong ng hangin. Sa gulong ng tadhana. Baka bukas, makalawa, sa lugar at panahong hindi ko pa inaasahan, doon ko sila muling matagpuan. Pero, ito na 'yun. Kailangan na. 'Wag malungkot. Hindi dito nagtatapos ang ating pagkakaibigan, mga samahang nabuo sa loob ng apat na taon! Hinding hindi ko kayong pipiliing kalimutan. Hindi kailanman. 

Hindi paalam ang nais kong sambitin, kundi.... Magkikita tayong muli. Sa tamang lugar, sa tamang panahon. Sa hindi inaasahang lugar. ;)

Hanggang dito nalang, AKING KAIBIGAN.


No comments:

Post a Comment