Matagal na panahon na din pala ang nakalipas. Matagal ko ng naisip na gumawa ng mensahe na naglalaman ng nararamdaman ko para sa’yo. Noong una ay naisip kong gumawa ng istorya pero di ko matapos. Masyadong kumplikado at hindi kayang ilarawan ng mga salita ang nararamdaman ko. Gusto ko sanang gumawa ng tula tulad ng mga una kong binigay para sayo, pero masyadong limitado ang pwede kong sabihin. Hindi din naman ako marunong umawit at gumawa ng kanta para iawit ang nararamdaman ko. Kaya siguro, kahit hindi romantiko ay sa ganitong paraan ko na lang kayang ilahad ang lahat. Ang masama pa ay mukang malabo mo din namang mabasa ito. Ngunit gayunpaman ay sa tingin ko ay nararapat lamang na gawin ko ‘to. Mabasa mo man o hindi, bahala na ang tadhana na matagal ka ng pinagkakait sakin.
Siguro simulan ko muna sa ganito…
Para sa lalaki na nagmamay-ari ng puso mo ngayon, sana mabasa mo ‘to. Dahil ang mga susunod ay ang mga habilin ko… Unang-una, ‘wag mo syang tatakutin sa mga multo, aswang, bloody mary at kung ano pa mang mga katatakutan. Ayaw na ayaw nya non. Lagi mo syang babatiin sa text ng good morning sa umaga at good night bago matulog. Minsan ay gusto nyang pahabain ang pagpapaalam sa gabi ngunit patulugin mo na ‘sya, kailangan nya pang gumising ng maaga para pumasok. ‘Wag kang magtataka kung mabagal syang mag text o hindi sya nag te-text dahil nag-aaral sya. Kailangan nyang i-maintain ang grades nya kaya’t hanggat maari ay wag mo syang didistorbuhin pag gumagawa sya ng assignment o nag-rereview sya. ‘Wag kang mag-alala dahil mag rereply sya pagkatapos. Lagi mo syang sasamahan pag nagpapasama sya sayo mag shopping. Paborito nyang gawain yon. Kung magreregalo ka sa kanya ay pilitin mong maghanap ng mga bagay na kulay pink. Yun ang paborito nyang kulay. Wag mong aakalain na gumagamit sya ng blush-on dahil natural lang ang pula ng kanyang mga pisngi o ng lipstick dahil natural na sa mga labi nya yon. Ok lang na batiin mo ang singkit nyang mga mata ngunit wag mong insultuhin dahil mas maningning pa yon sa mga bitwin sa langit. Tulad din ng karamihan ng mga babae ay mahilig din sya sa mga chocolate at flowers. Hayaan mo syang umatend ng mga party dahil motivation nya yon sa pag-aaral. ‘Wag kang mag-alala dahil alam nya ang limit nya. Kikay sya at medyo maarte, pero nasa tamang lugar naman. Mahilig syang makipag asaran pero paraan nya lang yon ng pakikipagbiruan o minsan ay paglalambing, wag na wag kang magtatampo sa mga ganong bagay. Lagi mo syang sasabayan maglakad. Wag kang mauuna o mahuhuli. May pagka bossy sya at pala utos, wag kang magsawa na ibigay ang gusto nya hanggat maari at kaya mo. Pag giniginaw sya ay yakapin mo. Pag naiinitan ay payungan mo. Pag umuulan at wala syang payong ay sunduin mo sya sa school. ‘Wag mo syang hahayaan mag-isa pumunta sa mga delikadong lugar. Pag nagtampo sya ay amuhin mo at lambingin. Ikaw ang maunang mag-text at ang huling mag-text sa kanya sa araw-araw. Wag mo syang gugutumin. Kwentuhan mo sya ng mga nakakatuwang bagay, knock-knock jokes at kung anu- ano pa man. Kantahan mo sya ng mga paboritong kanta nya at sabayan mo syang kumanta dahil maganda ang boses nya… Samahan, patawanin, alagaan, ingatan, yakapin at halikan mo sya… Dahil yan ang mga bagay na hindi ko nagawa. Siguro nga at hindi ko pa sya lubos na kilala at marami pa kong mga bagay na hindi nasabi, pero wag na wag mo syang sasaktan at paiiyakin. Dahil pag ginawa mo yon ay kahit hindi kita mahanap ay hahanapin ka ng mga anghel na ipinagdasal ko na bantayan at alagaan sya para ibitin ka ng patiwarik, habang binabalatan at sinusunog ka ng buhay, at tinatanggal lahat ng ngipin at kuko mo at chop-chopin ang iyong katawan hanggang maging bite size at ipakain sa mga gutom na piranha sa Africa.
Ako ay ang isang taong walang pagsisisi sa buhay. Imposible daw yon sabi nila. Siguro nga ay tama ang mga nagsabi sakin non. Dahil kung meron man akong pagsisisihan ngayon ay yoon ay hindi pag amin at pagsabi nyo ng mga katagang “mahal kita”. Matagal na panahon kong tinago ang nararamdaman ko sayo. Salikod ng mga tawagang boss at bestfriend ay ang sakit na nararamdaman ko dahil alam kong hanggang don na lang yon. ‘Di mabilang na luha na din ang nahulog, mga gabing di ako nakatulog. Ilang litrong alak ang ininom at yosi na pinilit kong hithitin sa pagaakalang ang usok at alcohol ay magagawang ipakalimot sakin ang lahat. Ilang gabing di makatulog at mga pahina ng libro at notebook na hindi nabasa sa kakaisip sayo. Di mabilang na mga kaibigan na nagsawang makinig ng mga kwento ko at hinaing. ‘Di mabilang na nakilalang babae na muntik ng ligawan ngunit ikaw pa din ang aking mahal. ‘Di mabilang… Ang dameng mga bagay na nangyari dahil sayo ang hindi ko mabilang….
Sobrang dami kong gustong sabihin sa ginawa kong ito. Hindi ko alam kung isang liham ito o habilin. Pero ang alam ko ay ito lamang ang paraan para kahit papano ay mawala ang bigat sa loob ko na tinago ko ng mahigit dalawang taon. Siguro sa susunod tayong magkita, kung sakaling pansinin mo ako o maalala ay may sasabihin na ako sayo: “Mahal kita”. Ngunit natatakot ako na sa sandaling mangyari yoon ay hindi ko na naman masabi yon at tumalikod na lang ako patakbo at paalis sayo. Sakali man dumating ang araw na yon, tadhana na sana ang magdikta. Dahil matagal nya na sa aking itinago ang iyong pagmamahal… Kung sakali man.
-Boss
P.S. Sige ako ng emo at korny haha :D
No comments:
Post a Comment