Monday, November 8, 2010

MASISISI MO BA AKO?

Sa mga oras na 'to, dapat natutulog na ko. Nangako pa naman ako sa sarili ko na maaga na kong matutulog ngayong gabi. Ngunit, sa kalaliman ng gabing ito mayroong nagdaramdam. May emosyong nagpipilit magtago't magkubli na lamang sa isang tabi ng puso ko. Ayoko pa sanang umalis at bumalik sa aking dormitoryo. Panigurado, mangungulila na naman ako sa aking pamilya. Nasanay din na naman kasi ako ng tatlong linggong kasama ulit sila. Bumabalik na naman yung sakit na naramdaman ko nung una akong inihatid ng aking mga magulang, inihabilan sa aking mga kasama sa dormitoryong iyon. Pero, di parin maalis sa akin ang magdamdam. Ang sakit parin pala. Kahit Kolehiyo na ako, at nabubuhay nang mag-isa't malayo sa kanila, hinding hindi parin nagbabago yung dating ako. May pagkaiyakan parin. Sa gabing ito, binabalak kong hindi na matulog hanggang umaga, pagmamasdan ko na lang ang aking mga kapatid at magulang sa kanilang pagkakahimbing. Naisip ko tuloy bigla, bukas paggising ko, kailangan ko na namang umalis at mawalay sa kanila. :(


(Hingang malalim.. Tumutulo na naman yung mga luha kong di ko mapigilan. Patuloy parin sa pagtatype..)



Pero sa kabila ng kalungkutang bumabalot sa aking kaibuuran ngayon, naisip kong ilang araw lang din naman at babalik akong muli dito sa aming tahanan, mayayakap, mahahaplos at mapagmamasdan ko silang muli. Konting tiis na lang naman at magpapasko na. :) Sa totoo lang, sobrang saya ko sa tuwing nakagagawa ako ng mga bagay na ganito, yung naibabahagi kung ano man yung tunay kong saloobin. Isa akong Philosopher, hindi Journalist. Ngunit, isa rin sa aking hilig ay ang pagsusulat. Sa paraang ito lang naman kasi, nagagawa kong ibuhos lahat ng sama ng loob at poot na palagi na lang bumabalot sa aking puso. Madalas nangungulila at nalulungkot. Marahil, madalas mo aking makitang nakangiti, oo na. Mapagpanggap na ako. Pero, masisisi mo ba ako?



Nais ko nang wakasan ang blog na ito. Hindi na yata kinakaya ng aking damdamin at isip yung mga bagay na patuloy na tumatakbo't umiikot sa aking utak. Ang hirap kumawala. Ang hirap ipagsawalang bahala na lang. Pero, umaasa parin ako na.. Sana lang sa darating na Pasko, kasama ng aking mga mahal sa buhay, ay magawang mapawi lahat ng aking pagkauhaw at panlulumbay sa tunay na presensya ng pag-ibig.

No comments:

Post a Comment