Umuulan na naman. Naririnig ko na naman yung malalakas na patak sa aming bubungan. Naririnig ko na naman ang paghampas ng napakalakas na hangin na bumubulaga sa harap ng bintana. Naririnig ko na naman ang katahimikang bumabalot sa paligid ng aming subdibisyon. Sa totoo lang, ayoko ng ganitong panahon. Yung ganitong pagkakataon na maraming tao ang dapat magtipon upang bumisita sa mga patay, ngunit dahil sa ulan ay hindi makaalis ng bahay. Nakakalungkot. Kasabay ng pagpatak ng ulan ay kasabay rin ng pagpatak ng aking mga luha. Sa mga luhang ito'y nagkukubli ang kakaibang kalungkutan na bumabalot sa kaibuturan ng aking damdamin.
Nalulungkot ako. Hindi naman sa hindi ko alam ang tunay na dahilan kung bakit. Minsan kasi, mas mabuti pang manahimik na lang at itago ang tunay na saloobin kaysa ipaliwanag sa nakararami kung bakit ka malungkot. Uulitin ko, hindi ako nagse-self-pity. Ibang usapan na 'yon. Kung maaari ko lang sanang ibahagi sa iba kung ano nga 'tong dinadala kong problema sa ngayon, 'di sana ako masyadong nagdurusa ngayon. Sa makakabasa, pagpasensyahan mo na kung masyadong sentimental ang laman ng blog kong ito. Namimiss ko lang kasing magpost ng mga ganito e. Napaisip lang kasi ako, umuulan na naman pala. Nararamdaman ko na naman ang bawat sugat na unti-unti na sanang naghihilom sa paglipas ng maraming panahon. Pero, napaisip ulit ako. Bakit ganun, kahit parang napakatagal na panahon na ang nakararaan, meron paring kurot dito sa puso ko. Kahit papaano'y may natitira parin palang puwang na nakalaan para sa'yo. Oo na, mahirap ka nang kalimutan. Naduwag na nga akong pumasok sa relasyon pagkatapos nating maghiwalay e. Pero ang hindi ko talaga maintindihan, ano bang meron sa'yo at di kita magawang kalimutan at ibaon na lang sa limot?
Ang hirap mag-isip. Ang hirap mapag-isa. Ang hirap pala ng ganitong sitwasyon. Kaya naman, 'di ko tuloy mapigilang sisihan ang ulan, dahil sa tuwing papatak ang ulan, 'di ko maiwasang isipin ka. :(
No comments:
Post a Comment